Binalaan ni Senador Panfilo Lacson ang PNP kaugnay sa pagsunod sa aniya’y illegal orders mula sa matataas na opisyal kabilang ang pangulo ng bansa.
Partikular na tinukoy ni Lacson ang posibleng paglalabas ng kautusan ng Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga pulis na huwag hulihin ang mga nasa likod ng jueteng sa bansa.
Ayon kay Lacson, dating PNP Chief, hindi uubrang gawing palusot ng mga pulis na sumunod lamang sila sa utos ng kanilang commander in chief kaya’t hindi nila ginagampanan ang kanilang sinumpaang trabaho tulad nang pagdurgog sa iligal na sugal.
Hindi aniya ito maituturing na valid legal defense sa hukuman.
Sinabi ni Lacson na nakakabahala ang naging pahayag ng pangulo na hindi niya pakikialaman ang operasyon ng jueteng dahil marami ang umaasa rito at pinaiikot nito ang pera lalo na sa mga lalawigan.
Malinaw sa Republic Act 9289 na kasali ang jueteng sa listahan ng mga iligal na sugal kaya’t dapat na aksyunan ito ng mga otoridad.