Mas makatutulong ang publiko sa gobyerno na mapabilis ang pagresolba sa problema sa Mindanao kung hahayaan muna ang pamahalaan na gawin ang mga nararapat na hakbang sa halip na batikusin.
Reaksyon ito ni Senador Panfilo Lacson sa naging kritisismo ni dating Pangulong Fidel Ramos sa mga naging desisyon at pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng krisis sa Marawi City, partikular ang sinabi ng punong ehekutibo na maaari niyang ideklara ang Martial Law sa buong bansa.
Giit ni Sen Lacson, mahirap namang bumatikos na lang ng hindi naman nalalaman kung ano ang mga nakukuhang impormasyon ng Pangulo hinggil sa tunay na mga nangyayari sa Marawi.
Mas makabubuti aniya na maging mapagbantay na lamang ang publiko laban sa posibleng pag-abuso sa implementasyon ng Martial Law.
Sa panig naman ni Senador Gringo Honasan, sinabi nito na bagamat karapatan ng sinuman na magsalita at magpahayag ng pananaw sa ilalim ng umiiral na demokrasya sa bansa, pero mas mainam aniya kung kinausap na lang ni FVR ng personal at pribado ang Pangulo sa halip na sa harap ng media ito nagsalita.
Idinagdag pa ni Honasan na sa halip na bumatikos, makabubutingmakipagtulungan ang publiko sa gobyerno kung paano agarang mapapahupa o mapapakalma ang sitwasyon sa Mindanao.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno