Walang problema na ibalik ang budget ng kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita o AKAP Program ng Department of Social Welfare and Development.
Giit ni Senator Imee Marcos na ito’y kung magiging klaro ang mga panuntunan at kung sinu-sino ang mga benepisyaryo ng programa na dati nang nadawit sa pekeng People’s Initiative para sa charter change.
Ayon kay Super Ate, hindi naman siya tutol sa AKAP kundi nais lamang niyang magarantiya na makararating ang bilyones nitong pondo sa mga tunay na nangangailangan.
Nilinaw din ng Senador na hindi niya ni-re-align sa ibang programa ang inalis niyang 39-na bilyong pisong proposed budget ng AKAP sa ilalim ng Senate version ng 2025 national budget.
Matatandaang inirekumenda ni Senator Marcos na siyang sponsor ng DSWD budget na pag-isahin na lamang ang AKAP at ang Assistance to Individuals in Crisis situation ng DSWD dahil parehas lang naman aniya ang tinutulungan nitong sektor.
Naging kontrobersyal ang Akap nang sabihin ng presidential sister na ginamit ito ng ilang kongresista upang lituhin aniya ang mga pilipino at himukin ang mga itong sumuporta sa People’s Initiative.