Ipinauubaya na ni Senadora Imee Marcos kina Pang. Bongbong Marcos at Vice President Sara Duterte kung muling magkakaayos sa gitna ng ingay sa politika.
Ayon sa Presidential Sister, nasa dalawang pinakamataas na opisyal na ng pamahalaan kung talaga bang nasa ‘point of no return’ o may pag-asa pa sa kanilang pagkakaibigan.
Pero umaasa si Senadora Marcos na anoman ang salpukan nina Pang. Marcos at VP Sara, nasa unahan pa rin ng kanilang listahan kung ano ang ikabubuti ng sambayanang Pilipino.
Sagot ito ng senadora nang tanungin tungkol sa panawagan ng ilang mambabatas na mamagitan siya at pag-ayusin ang kaniyang kapatid na Pangulo at matalik na kaibigang Bise-Presidente.
Una nang sinabi ni Senador Marcos na umaasa siyang may himala sa away ng dalawa at idinadaan na lamang niya ito sa dasal at pagtitirik ng kandila.
Nang tanungin naman tungkol sa pagbabanta ni VP Sara kina Pang. Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez, sinabi ng senador na palagi namang may banta sa buhay ng mga Marcos, gaya ng mga Duterte kaya sila bantay-sarado ng security escorts.
Idiniin niyang ‘given’ na ang death threats sa kanilang buhay kaya hindi na ito dapat na pinag-uusapan pa.