Pinabulaanan ni Senador Bongbong Marcos ang balitang iaanunsyo na niya ang pagtakbo sa pagkapangulo sa Pangasinan sa darating na linggo, Setyembre 27.
Sinabi ni Marcos na napakarami ng naririnig na petsa na sinasabing pagdedeklara ng kanyang political plans para sa 2016, pero hindi aniya ito dapat paniwalaan hangga’t hindi ito direktang naririnig mula sa kanya.
Ayon kay Marcos, may mga grupong nagpapalabas ng maling advisory para lang malagay sa alanganin ang kanyang pangalan.
Inihalimbawa nito ang napabalitang magdedeklara siya sa Philippine Arena noong September 20 at ang masama pa rito, may ulat na pinangakuan ng pera ang mga dadalo sa naturang event.
Tiniyak ng senador na sa oras na makapagpasya na siya hinggil sa kanyang political plans, direkta itong maririnig ng publiko mula sa kanya.
By: Meann Tanbio