Sana ay tumulong sa Maguindanao, Zamboanga at iba pang lugar na matinding napinsala ng bagyong Paeng ang ibang rehiyon na hindi gaanong nasalanta ng kalamidad.
Ito ang panawagan ni Senator Imee Marcos matapos makaranas ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa ang maraming lugar sa bansa bunsod ng pag-ulang dala ng bagyo.
Ayon kay Marcos, anuman ang kayang ibigay ng mga rehiyon na hindi gaanong tinamaan ng kalamidad ay malaking tulong sa pagbangon ng mga lugar na matinding napinsala.
Bagaman tinutulan ng kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos, suportado naman ng senador ang rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction Management Council na magdeklara ng national state of calamity nang isang buong taon.
Bunsod ito ng lawak ng pinsalang idinulot ng bagyong paeng na nagresulta na anya sa labis na paghihirap ng taumbayan, bukod pa sa pandemya at pagtaas ng mga bilihin. — Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)