Iginiit ni Fighting Senator Manny Pacquiao na hindi siya lilipat ng partido at mananatili pa rin sa PDP Laban o Partido Demokratiko Pilipino – Lakas ng Bayan.
Iyan ang inihayag sa DWIZ ni Senador Pacquiao matapos niyang kumpirmahin na inaalok siya ni Senate President Vicente “Tito“ Sotto na lumipat sa kanilang partido na NPC o Nationalist People’s Coalition na itinatag ng business tycoon na si Eduardo Danding Cojuangco.
Magugunitang nagmula si Pacquiao sa UNA o United Nationalist Alliance ni Dating Vice President Jejomar Binay noong siya’y tumakbong senador noong 2016 elections at kalauna’y lumipat sa PDP Laban matapos nito.
“Ayaw ko naman isipin ng mga tao na para akong isa sa mga politiko diyan na talon ng talon. Pangit.”
Kasunod niyan, sinabi rin ng senador na suportado niya ang panawagang tumakbo rin sa pagkasenador si presidential daughter at Davao City Mayor Sarah Duterte – Carpio.
“Gusto kong tumakbo siyang senator. Malaki ang maitulong niya sa senado especially meron siyang political will at na manage niya ng husto ang Davao City.”
(From IZ Balita Nationwide Sabado- Tanghali interview)