Paiwas ang tugon ni Senate President Koko Pimentel sa pagpapabalik sa serbisyo at pag-promote pa kay Police Superintendent Marvin Marcos, ang suspek sa pagpatay kay Albuera Mayor Rolando Espinosa sa loob mismo ng kulungan.
Ayon kay Pimentel, dapat masunod ang sinasabi ng panuntunan ng PNP o Philippine National Police hinggil sa mga pulis na may kinakaharap na mabigat na kaso tulad ni Marcos.
Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibabalik niya sa serbisyo si Marcos at makaraan lamang ang isang araw ay itinalaga na nga ito bilang hepe ng CIDG Region 12.
Si Marcos kasama ang labing pitong (17) iba pang tauhan nito sa CIDG Region 8 ay matatandaang sumalakay sa Leyte sub-provincial jail sa Baybay Leyte ng dis oras ng gabi para di umano mag-serve ng search warrant laban kay Espinosa na nakakulong doon dahil sa alegasyong isa itong drug lord.
Nanlaban di umano si Espinosa kaya’t napatay ito ng mga pulis.
“Sunod lang po tayo sa regulation ng PNP kung papaano ba nila tinatrato ang mga opisyal nila na may kaso na mabigat, mabigat ang kaso nyan, non-bailable pero nakapag-bail na din, mabigat po yang kaso nya.”
“Sundin lang natin ang regulation, hindi ko memorize ang regulation ng PNP.”
- Len Aguirre | Ratsada Balita Program (Interview)