Pinarerepaso ni Senate President Aquilino Pimentel III sa Bureau of Customs ang kanilang mga patakaran at ikunsidera ang iba pang paraan para despatsahin ang mga mamahaling sasakyan na ipinuslit papasok ng Pilipinas.
Ito’y makaraang wasakin ng Customs kamakailan sa harap mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang may 30 luxury cars kasabay ng ika-114 na anibersaryo ng Aduana.
Ayon kay Pimentel, makabubuting ibenta na lamang sa pamamagitan ng public auction ang mga mamahaling sasakyan sa halip na wasakin subalit dapat tiyaking maibebenta lamang ito sa mga seryosong kolektor sa ibayong dagat.
Hindi aniya tulad ng mga nakukumpiskang sigarilyo at iligal na droga na dapat talagang wasakin dahil sa wala namang maidudulot na buti sa tao, mayruon aniyang economic value ang mga kotse lalo na ang mga luxury cars.
Bagama’t batid naman ni Pimentel ang layunin nito na maiiwas mula sa mga smuggler ang mga naturang sasakyan, subalit maaari naman aniyang ilaan na lamang sa mga mabibiktima ng kalamidad ang perang mapagbebentahan nito.
Ulat ni DWIZ Patrol Reporter Cely Ortega-Bueno
Posted by: Robert Eugenio