Tiniyak ni Senate President Koko Pimentel na magiging patas ang mga Senador sa paglilitis at pagpapasiya sa impeachment case ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno sakaling maiakyat na ito sa Senado.
Ayon kay Pimentel, ang dapat lamang gawin ng mga Senador ay ipawalang sala si Sereno kung walang maipiprisintang matibay na ebidensya ang Kamara de Representantes at i-impeach ito kung sapat naman ang mga ebidensya.
Iginiit ni Pimentel na dapat isantabi ng mga Senador ang pagiging kaibigan sa pagpapasiya sa nasabing impeachment case.
Samantala, tumanggi namang magkomento si Pimentel sa ulat na pinuwersa si Sereno ng kanyang mga kapwa mahistrado na mag-indefinite leave.
Hindi rin aniya dapat ipinipilit sa sinumang mahistrado ng Korte Suprema ang pagbibitiw nito sa tungkulin dahil dapat boluntaryo aniya ito.
Krista de Dios / Cely Ortega-Bueno / RPE