Naghain ng resolusyon si Senate Minority Leader Ralph Recto na naglalayong paimbestigahan kung bakit may pangangailangan para pagkalooban ng Emergency Power si Pangulong Rodrigo Duterte para resolbahin ang problema sa trapiko.
Sa Resolution Number 59 ni Recto, nakasaad na sa roadmap study na ginawa ng Japan International Cooperation Agency o JICA, tinatayang nasa 2.4 Bilyong Piso kada araw o P180-Billion kada taon ang nawawala sa ekonomiya dahil sa matinding problema sa trapiko.
Nakapaloob aniya sa roadmap study ng JICA ang mga panukala kung paano mababawasan ang problema sa trapiko tulad ng NLEX SLEX connector, rehabilitasyon ng main urban roads at pag-develop ng secondary roads sa urban areas.
Ayon kay Recto, kung maipatutupad ang roadmap study ng JICA pagsapit ng taong 2030, inaasahang magkakaroon ng savings ng hanggang P579 Billion Pesos kada taon, tataas sa P119 Billion kada taon ang toll at fare revenue ng gobyerno at mababawasan ng 49 na minuto ang travel time ng publiko.
Bago bigyan ng Emergency Power ang Pangulo, dapat ipaliwanag ng Executive Department kung anong partikular na Emergency Power ang nais nilang maibigay dito.
By: Meann Tanbio