Hinamon ni dating COMELEC Chairman Sixto Brillantes si Senador Tito Sotto na ilantad na ang kanyang testigo bilang patunay na nagkaroon ng dayaan noong mga nakaraang automated elections.
Ito, ayon kay Brillantes, ay upang matukoy kung may kredibilidad ang testigo o source na maaaring kilala rin niya.
Bagaman walong taon na anya ang automated polls o simula noong 2010, wala pa silang naitatalang dayaan.
Pinagkumpara pa ng dating poll body chief ang automated at manual elections na sa una ay hindi maaaring mabago dahil kung ano ang impormasyon na nakapasok sa makina ay ito ang lalabas na resulta.
Ang pinaka-malala anyang dayaan sa manual ay naganap noong panahon ng martial law sa ilalim ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
-Aya Yupangco