Inalok na rin ng libreng bakuna kontra Coronavirus Disease ( COVID-19) si Senate President Vicente Sotto III.
Ito ang inamin mismo ni Sotto, bagama’t kanya itong tinanggihan dahil hindi pa siya handang magpabakuna.
Ayon kay Sotto, sa halip ay inirekomenda niya sa nag-alok sa kanya ng bakuna na ibigay na lamang ito sa mga kumukuwestiyon at nagrereklamo sa ulat na nabakunahan na ang mga cabinet members, Presidential Security Group (PSG) at ilang sundalo.
Gayunman, sinabi ni Sotto na sa kanyang palagay ay ayaw naman ng donor ng bakuna na ibigay ito sa mga nagrereklamo.
Una nang sinabi ni Sotto na wala siyang nakikitang masama sa pagpapabakuna ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte, PSG at ilang sundalo kahit wala pang inaaprubahang COVID-19 vaccine ang FDA.—ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)