Hindi naman mga senador ang implementing agency at hindi dumaan sa kanila ang pork barrel fund na hinihingi sa kanila ng iba’t ibang grupo.
Binigyang diin ito ni Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III matapos kuwestyunin ang pagsasampa ng kaso ng Ombudsman laban kay Senador Gregorio Honasan dahil sa umano’y maling paggamit ng pork barrel funds.
Sinabi pa ni Sotto na kahit ang yumaong dating Senador Miriam Defensor Santiago ay nagsabi noon na hindi alam ng mga senador kung paano ginamit ang hinihinging PDAF sa kanila.
Hindi naman aniya uubrang inspeksyunin pa nila ang bawat pako o bawat sementong gagamitin.
Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson nasa kamay na ng Sandiganbayan ang susunod na hakbang sa kasong graft na isinampa laban kay Honasan at hindi aniya sila uubrang manghimasok sa mga kasong hawak ng Anti-Graft Court.
Una rito ay sinampahan ng kaso ng Ombudsman si Honasan dahil sa umano’y maanomalyang paggamit nito ng kanyang PDAF o Priority Development Assistance Fund.
Dalawang patong ng paglabag sa Section 3 ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa laban kay Honasan.
Batay sa resulta ng imbestigasyon ng Ombudsman, sinasabing 30 milyong piso ang inilabas ng tanggapan ng Senador para sa National Council of Muslim Filipinos bilang implementing agency.
By Judith Larino / Arianne Palma / ulat ni Cely Bueno (Patrol 19)