Kinasuhan ng mag – bayaw na sina Davao City Vice Mayor Paolo ‘Pulong’ Duterte at Atty. Manases ‘Mans’ Carpio si Senador Antonio Trillanes IV.
Ang kasong civil ay isinampa nina Duterte at Carpio sa Davao City Regional Trial Court (RTC), na napunta kay Branch 15 Judge Mario Duaves.
Sinabi ni Branch 15 Clerk of Court Atty. Kaiser Kate Narciso na sa susunod na linggo pa nila ilalabas ang iba pang detalye ng nasabing kaso.
Magpapalabas aniya ng summon si Judge Duaves matapos busisiin ang reklamo laban kay Trillanes na nagsangkot kina Duterte at Carpio sa umano’y Davao Group na nasa likod ng korapsyon sa Bureau of Customs (BOC).
Magugunitang si Senador Trillanes ang nagdawit kina Duterte at Carpio sa korapsyon sa Customs at direktang itinuro na may kinalaman sa Davao Group.
Kapwa itinanggi nina Duterte at Carpio ang alegasyon ni Trillanes nang sabay na humarap sa pagdinig sa Senado.