Pinatunayan lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala itong respeto sa Rule of Law at mga demokratikong institusyon.
Ito ang binigyang-diin ni Senador Antonio Trillanes makaraang ihayag ng Pangulo na hindi niya susundin ang Korte Suprema at Kongreso sakaling pigilan o ibasura ng idineklara niyang Martial Law sa Mindanao dahil mas pakikinggan niya ang AFP at PNP.
Giit ni Trillanes, sa unang araw pa lang ng panunungkulan ay pinakita na ng Pangulo ang hindi pagsunod sa Rule of Law makaraang ipag-utos ang pagpatay sa mga drug suspect sa ilalim ng anito’y pekeng giyera kontra iligal na droga.
Sa panig naman ni Senate President Aquilino “koko” Pimentel, sinabi nito na hanggang salita pa lang naman ang ginawa ng Pangulo hinggil sa kahandang suwayin ang Korte Suprema at Kongreso kaya’t wala pang nilalabag ang punong ehekutibo.
Ayon kay Pimentel, mas makabubuting iwasan na munang magkomento sa mga bagay na hindi pa naman ginagawa o nangyayari.
By: Meann Tanbio / Cely Bueno