Hindi naitago ni Senador Antonio Trillanes IV ang kaniyang inis at pagkadismaya sa pagkaka-absuwelto ni dating Bureau of Customs o BOC Chief Nicanor Faeldon at iba pang dating opisyal ng Aduwana hinggil sa mahigit 6 bilyong pisong shabu shipment na nakalusot mula China.
Ayon sa Senador, tila nais pang isisi ng administrasyong Duterte sa mga guwardiya ng BOC ang pagkakalusot ng may kalahating toneladang shabu kung naniniwala talaga ang mga ito na hindi si Faeldon ang utak ng nasabing anomalya.
Patutsada pa ng senador, kamatayan agad ang iginagawad para sa mga maliliit at mahihirap na sangkot sa droga habang tila ginto naman kung ituring ang mga anito’y kampon ni Duterte tulad nila Faeldon at Supt. Marvin Marcos na sangkot naman sa pagpatay kay dating Albuera, Leyte Mayor Roland Espinosa.
Magugunitang ibinasura ng Department of Justice o DOJ ang isinampang kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA laban kay Faeldon dahil sa kawalan ng probable casue maging ng kawalan ng mga dagdag na ebidensyang magdiriin sa kaniya sa nasabing kaso.
—-