Naging sentro ng katatawanan si Senador Antonio Trillanes sa Filipino Community sa Myanmar makaraang ikuwento ni Pangulong Rodrigo Duterte kung paano naging duwag ito sa inilunsad na pag-aaklas noong 2003 sa dating Oakwood Hotel at 2007 sa Manila Peninsula, Makati City.
Sa pagharap sa mga Pilipinong nagtatrabaho sa Myanmar, inihayag ni Pangulong Duterte na hanggang ingay lamang si Trillanes at inihalintulad sa duwag na aso na walang ginawa kundi kumahol lamang.
Ayon sa Pangulo, hindi pa man nagkabarilan sa Manila Peninsula Siege ay sumuko na si Trillanes at mga tauhan nito nang masukol ng mga operatiba ng Philippine National Police.
Ninakaw din anya ng mga rebeldeng sundalo sa pangunguna ng noo’y Marine Lieutenant Junior Grade na si Trillanes ang mga tuwalya, bedsheet at kutsara sa Manila Peninsula.
Matatandaang bukod sa Manila Pen, nilusob din nina Trillanes at grupong Magdalo ang Oakwood Hotel upang mag-aklas laban sa pamahalaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
By: Drew Nacino / Aileen Taliping