Inalis na rin ng Lacson-Sotto tandem sa kanilang senatorial line up si re-electionist Senator Sherwin Gatchalian makaraang mapanood ang naging talumpati ng senador kung saan inindorso nito ang tambalan nina presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at vice presidential candidate at Davao City mayor Sara Duterte sa Bulacan.
Si Gatchalian ang ikalawang miyembro ng Nationalist People’s Coalition (NPC) na inalis sa senatorial lineup kasunod ni dating Quezon City mayor Herbert Bautista.
Ayon kay Senador Lacson, nagpasya na sina Bautista at Gatchalian kung anong prinsipyo at advocacy ang kanilang susuportahan.
Sinabi naman ni Senate President Tito Sotto, III na inaalam pa nila kung nananatiling nasa kanilang panig sina re-electionist Senator Dick Gordon na sumama naman sa proclamation rally ng Leni-Kiko tandem at dating vice president Jejomar Binay.
Samantala, sinabi ni Senator Gatchalian na inirerespeto niya ang pasya ng tambalang Lacson-Sotto.
Humingi rin ng paumanhin si Gatchalian sa anumang misunderstanding o di pagkakaunawaan na namagitan sa kanila. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)