Nanawagan si re-electionist senator Juan Miguel Zubiri sa mga kapwa niya kandidato na i-donate para sa mga survivor ng typhoon Odette ang isang buwan nilang gastos sa political ad.
Ayon kay Senator Zubiri, matapos niya makita ang pinsalang dinulot ng bagyong Odette sa Visayas at Mindanao ay agad siyang nagpasya na gamiting pantulong sa mga napinsala ang isang buwang gastos sa advertising.
Ayon kay Zubiri, batid niya na ang advertising ang malaking bahagi ngayon ng kampanya ng mga kandidato dahil sa limitado ang kanilang pag-ikot dulot ng pandemya.
Pero mas matindi aniya ang pangangailangan ng mga napinsala ng kalamidad dahil nakararanas sila ng gutom at maraming nawalan ng tahanan.
“Kailangan aniya nila ng lahat ng tulong na maibibigay natin,” ani Zubiri.
Nitong nakalipas na holiday season minabuti ni Sen. Zubiri na gamitin ang personal na pondo para sa advertising budget sa pamamahagi ng bigas, groceries, tubig, face mask at tents sa mga sinalanta ng bagyo.