Hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga lider ng Senado at Kamara na magpresenta ng makatotohanang timetable para sa Charter Change o Cha-cha.
Iginiit ni Gatchalian na dapat bumuo muna ng timetable na pagbabatayan ng kanilang magiging aksyon bago simulan ang diskusyon sa Cha-cha.
Nais din ng senador na masusing mabusisi ang detalye at lalamaning mga probisyon ng panukalang Cha-cha patungo sa hinahangad na pederalismo.
Ipinunto ni Gatchalian na bagaman ang mga pinalulutang na balita hinggil sa pederalismo ay pawang ‘broad idea’, ang mahalaga ay maging klaro at detalyado ito.
Hindi din aniya dapat madaliin ang proseso sa halip dapat itong dumaan sa masusing debate at pag-aaral upang matiyak na makabubuti sa bansa ang federal form of government.