Ibinunyag ni Senate President Vicente Sotto III na may aabot sa 79 billion pesos na bahagi ng panukalang pambansang budget para sa 2019 ang ginalaw.
Batay aniya ito sa ini-report sa kanila ng Legislative Budget Research and Monitoring Office ng Senado.
Ayon kay Sotto, ang nasabing pondo ay hindi naaayon sa napagkasunduan at niratipikan ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Inaasahan naman ng senador na kakausapin ng executive department ang Kamara kaugnay ng kanilang natuklasan.
Ipinagbigay alam na rin ni Sotto ang issue kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, ibinunton naman ni House Appropriations Committee Chairman Rolando Andaya Jr. ang sisi sa Senado kaugnay sa ginalaw umanong 75 billion pesos na bahagi ng 2019 national budget kahit pa niratipikahin na ito ng Kongreso.
Ayon kay Andaya, sa katunayan ay ang Senado ang nag-realign ng nabanggit na halaga.
Taliwas ito sa pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na 79 billion pesos ang ni-realign ng Kamara sa ilalim ng ratified 2019 national budget na labag sa Saligang Batas.
Gayunman, iginiit ni Andaya na isang uri rin ng “post-bicam realignment” ng national budget ang ginawa ng Senado.
Masyado na aniyang desperado ang mga senador na butasan ang 2019 General Appropriations Act (GAA) at isisi ang problema nito sa mababang kapulungan ng Kongreso gayong may iregularidad din sa mataas na kapulungan.
—-