Inihayag ni Senador Panfilo Lacson na may nagaganap na back channeling effort para sa alok ng senado na compromise sa ehekutibo hinggil sa isyu sa pagpababa ng taripa sa imported pork at pagtataas sa maximum access volume (MAV) ng aangkating baboy ngayong taon.
Ayon kay Lacson, umaasa sila na makakahanap sila ng common ground para sa posibleng ‘win-win’ solution sa isyu na pinagtatalunan ng senado at Palasyo.
Humahanap anya sila ng compromise na magiging katanggap-tanggap sa lahat ng panig.
Kinumpirma ito ni Senate President Vicente Sotto III sa pagsasabi na nag-uusap sila ni Finance Secretary Sonny Dominguez para posibleng hakbang.
Sinabi rin ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na tinatrabaho na nila ang posibleng compromise, para maiwasang maapektuhan o mamatay ang local hog industry sa bansa.
Pero tumanggi pa sina Drilon at Lacson na magbigay ng detalye sa nagaganap na back channeling effort.
Sa panig naman ng nina Dominguez at Agriculture Secretary William Dar, sinabi ng mga ito na hindi naman sarado ang kanilang isip sa panawagan ng mataas na kapulungan. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)