Handang pabuksan ni Senador Vicente Sotto lll ang pagdinig ng senado sa nabunyag na blue book na di umano’y naglalaman ng pangalan ng mga big time drug pushers, carjackers at kanilang mga protektor na nasa pamahalaan.
Ayon kay Sotto, nakahanda siyang maghain ng mosyon para pabuksan ang pagdinig sa pagpasok ng 17th Congress.
Sinabi ni Sotto na ipina-subpoena na nila noon ang blue book na hawak ng Department of Interior and Local Government (DILG) subalit nasapawan na ang kanilang mga pagdinig ng iba pang isyu tulad ng Mamasapano incident.
Una rito, nagpahayag ng pagtataka ang VACC o Volunteers Against Crime and Corruption kung bakit pawang maliliit na drug dealers ang nahuhuli o napapatay ng PNP sa kanilang kampanya kontra sa droga samantalang hawak naman ng DILG ang blue book na naglalaman sa pangalan ng mga local officials at mga pulis na di umano’y sangkot sa illegal drug trade sa bansa.
By Len Aguirre