Hati ang mga Senador sa kung ano ang dapat na gamitin sa pag-amyenda ng Konstitusyon.
Habang isinusulong nina Majority Leader Tito Sotto, at kapwa nito Senador na sina Risa Hontiveros, Ping Lacson, at Franklin Drilon ang Constitutional Convention, mas pabor naman si Senador Dick Gordon sa Constitutional Assembly.
Ayon kay Sotto, mas dapat ang Constitutional Convention sa pag-ameyenda ng Saligang Batas ngunit mas mahal ito kaysa Constitutional Assembly.
Mas magiging katanggap-tanggap lang, aniya, ang Constitutional Assembly kung hiwalay na boboto ang Senado at Kamara.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Gordon na mas mabilis na proseso ang Constitutional Assembly.
Ang mahalaga, aniya, maintindihan ng publiko kung ano ang aamyendahan sa Saligang Batas.
Samantala, uubra para kina Senador Koko Pimentel at Senador Manny Pacquiao ang kahit alin sa Constitutional Convention at Constitutional Assembly na gamitin.
By: Avee Devierte