“Maraming butas.”
Ito ang tingin ni Senator Panfilo ‘Ping’ Lacson sa naging testimonya ni retired SPO3 Arthur Lascañas kaugnay sa umano’y Davao Death Squad (DDS) kung saan isinasangkot sa mga pagpatay ang noo’y alkalde ng Davao City na si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng “Karambola”, sinabi ni Lacson na kung susuriin ay walang paggagamitan ang mga testimonya na ipinahayag ni Lascañas sa ginawang pagdinig ng senado kahapon.
“Unang-una yung kanyang extrajudicial confession, maliwanag na may Supreme Court ruling na dito, very recent, na kapag extrajudicial confession hindi puwedeng stand alone, dapat may ibang ebidensya na magtutugma o magco-corroborate. Pangalawa, of course yung common object okay yun kasi isa lang naman ang object ng sinasabi niya at yung sinasabi niyang conspiracy. Pangatlo, dapat yung kanyang extrajudicial confession ay ginawa habang nagaganap yung conspiracy, habang nangyayari eh ang tagal na nun eh.” Ani Lacson
Kinuwestyon din ng senador ang rason ni Lascañas na dahil sa spiritual renewal kaya napagpasyahan nitong sabihin ang totoo at bawiin ang mga nauna na niyang testimonya.
“Ang sinasabi niya ang kanyang spiritual renewal ay mga July-September ng 2015, eh nag-appear na siya sa Senado noong October 2016 eh doon pa lang sana dapat nag-confess na siya, at hindi pa yun tumatanggap pa siya ng allowance, financial assistance kay President Duterte mula noong Mayor hanggang maging Presidente na hanggang January 2017, kung may spiritual renewal ka na, tumigil ka na sa pagtanggap ng assistance mula doon sa ini-implicate mo.” Dagdag ni Lacson
Kumbinsido si Lacson na ang muling paglutang ni Lascañas ay pupuwedeng maituring na destabilization plot laban sa administrasyong Duterte.
“Mukhang ang nakikita naming pinipiling audience nito ay hindi naman talaga ang Senado, hindi in aid for legislation kundi mas malaking audience ang pinupuntirya at ito ang publiko. Ako naman ni-refer mo sa akin, sa committee ko, gagawin ko ang trabaho ko.”
Gayunman, pagtitiyak ni Lacson hindi na lulusot sa Senado kung may bago mang pagtatangkang muling siyasatin ang mga pahayag ni Lascañas.
“The Senate should know better, kung meron na namang bagong manifestation at ito’y babasahin sa floor tingin ko hindi na ito mare-refer, sobrang gasgas na, puwede naman silang dumulog sa ibang forum eh at magkaroon ng fact finding investigation.”
Kasabay nito, ipinauubaya na lang din ni Lacson sa Commission on Human Rights (CHR) at Philippine National Police (PNP) ang pag-iimbestiga sa mga bagong pahayag ni Lascañas na sinasabing aabot sa 200 katao ang napatay nito maliban pa sa mga operasyon ng umano’y DDS.
“Hayaan na lang natin silang mag-follow up at kung may kahihinatnan at mayroong patutunguhan na mapanagot ang mga sinasabi niyang may kinalaman, ay sila na lamang huwag nang gamitin pa ang Senado.” Pahayag ni Lacson
By Aiza Rendon | Karambola (Interview)