Magkakasa ng imbestigasyon ang senado kaugnay sa arrangement ng renta o upa sa mga sementeryo.
Kasunod ito ng nadiskubreng mahigit 800 sako ng labi ng tao na inalis mula sa mga libingan at iniwan lang na nakatambak sa Barangka Public Cemetery sa Marikina City dahil natapos na ang renta sa nitso.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Senate Minority Leader Aquilino ‘Koko’ Pimentel III, na sa ilalim ng local government code, ang pamamahala sa mga pampublikong sementeryo ay kasama sa pangunahing responsibilidad ng City o Municipal Government.
Handa namang pangunahan ni Senador Pimentel ang paghahain ng resolusyon dahil pamilyar aniya siya sa mga polisiya ng Lungsod ng Marikina.
Bukod dito, kanila ring aalamin kung nangyayari rin ang ganitong arrangement sa ibang mga sementeryo sa bansa.- sa panulat ni Laica Cuevas