Nanawagan ang liderato ng senado na pag-aralan muna ang lumulutang na suhestyon ng isang mambabatas na ipagpaliban ang pagsasagawa ng 2022 election sa gitna ng nararanasang pandemya.
Ani Senate President Vicente Sotto III, dapat munang pag-aaralang mabuti ang isyu at hindi lamang COVID-19 pandemic ang dapat na batayan para ipagpaliban ito, dapat din aniyang isaalang-alang ang posibleng maging dayaan oras na hindi ituloy ang halalan.
Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, ang pagpapaliban sa pagsasagawa ng eleksyon, ay malinaw na magbibigay daan lang sa pagpapalawig sa termino ng mga naka-upong opisyal.
Pagdidiin pa ni Lacson, ang naturang hakbang ay malinaw na paglabag sa ating konstitusyon.
Kung si Senadora Imee Marcos, Chair ng Committee on Electoral Reforms and People’s Participation ang tatanungin.
Sa halip na ipagpaliban ang halalan gaya nga ng suhestyon ng isang mambabatas, mas makabubuti aniya na tignan ang ilang paraan para matuloy ito.
Pagdidiin pa ni Marcos, kahit pa may pandemya, ilang mga bansa na ang nakapagsagawa ng eleksyon gaya ng: South Korea, Taiwan, Belarus, Singapore, at iba pa.
Sa huli, iginiit ng mga senador na ang pagpapaliban sa eleksyon ay tahasang paglabag sa konstitusyon ng bansa.