Isasailalim sa lockdown sa susunod na tatlong linggo ang Senado na magsisimula sa Lunes, Agosto a-15.
Ito ang inanunsiyo ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa sesyon matapos ang ginawang caucus ng mga senador sa harap ng dumaraming bilang ng mga senador at staff na tinamaan ng covid-19.
Ayon kay Zubiri, nagpasya ang mga senador na maghigpit sa pinatutupad na health and safety protocols at magiging limitado lang ito sa mga guest.
Habang nakalockdown ang Senado, walang papapasukin na mga guest sa loob ng tatlong linggo maliban sa mga resource persons na lilimitahan sa tatlo kada agency o’ organization habang ang ibang resource person naman ay padadaluhin via online.
Ang mga papapasuking resource persons ay dapat na magpresinta ng negatibong resulta ng rt-pcr test na dapat may qr code at kinuha sa nakalipas na bente kwatro oras o kaya naman ay negative antigen test result na kinuha naman sa nakalipas na 12 oras.
Dapat ay ginawa ang test sa alinmang DOH-accredited facility at hindi tatanggapin ang mga self-administered antigen test results na walang anumang valid certification.
Pagdating naman sa committee hearings, bawat senador ay maaari lang magdala ng dalawang staff maliban sa chairperson ng committee na maaaring magdala ng higit sa dalawa.
Sa panahon naman ng session, pananatilihin ang 2-staff-per senator rule at mahigpit ding ipatutupad ang 5-person limitation rule sa loob ng elevator ng Senado.
Sa ngayon tatlong senador ang nananatiling naka isolate makaraang tamaan ng covid 19.