Isasailalim sa total lockdown ang buong gusali ng senado bukas, ika-16 ng Marso.
Ito ang ipinag-utos ni Senate President Vicente Sotto III, matapos na magpositibo sa COVID-19 ang isang tauhan ng senado mula sa bills and index division.
Mababatid na kaninang umaga, isang empleyado mula sa naturang departamento ang pumasok kahit masama na ang pakiramdam nito at batid na positibo sa virus ang kanyang asawa.
Kung kaya’t dinala ito sa ospital at lumabas sa COVID-19 test na siya’y positibo sa virus.
Dahil dito, agad namang ipinag-utos ang pag-quarantine sa mga empleyado sa kaparehong departamento ng nagpositibo sa COVID-19.
Wala namang papapasukin na mga empleyado sa senado bukas para bigyang daan ang disinfection at sanitation sa buong gusali nito.
Samantala, sa ika-17 ng Marso muling magbabalik ang sesyon ng senado.