Maayos ang trato ng senado kay Pharmaly Pharmaceutical Corporation director Linconn Ong.
Tiniyak ito ni senate sergeant at arms Rene Samonte at sa katunayan ay pinapayagan nila si Ong na lumabas ng senate building para maglakad, mag-ehersisyo at magpa-araw tuwing umaga.
Pinapayagan din aniya ng senado si Ong na mabisita ng kanyang pamilya, abogado, medical personnel at pari o religious leaders.
Ipinabatid ni Samonte na kahapon ay binisita si Ong ng kanyang may bahay gayundin ng kanyang abogadong si Atty. Rico Kapunan.
Gayunman, itinigil ng senate blue ribbon committee ang pribilehiyo ni Ong na gumamit ng cellphone bagama’t hinahayaan itong gumamit ng telepono sa opisina ni Samonte kapag kailangang tumawag sa kanyang asawa o sinumang gustong kausapin nito.
Tumanggi namang sagutin ni Samonte ang paratang ng isa pang abogado ni Ong na si Atty. Ferdinand Topacio na dumaranas anito ng mental at psychological torture ang kanyang kliyente sa custody ng senado.—mula sa ulat ni Patrol 19, Cely Bueno