Magsasagawa ng investigation in aid of legislation ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs sa naganap na misencounter sa pagitan ng mga operatiba ng Philippine National Police at Philippine Drug Enforcement Agency PDEA sa may Commonwealth Quezon City.
Ayon kay Senator Ronald Bato Dela Rosa, chairman ng naturang komite sa Martes, Marso 2 siya magpapatawag ng pagdinig sa naturang insidente kung saan may dalawang pulis ang napatay.
Hinihintay pa ni Senator Dela Rosa ang official statement ng PNP at PDEA kaya hindi pa ito makapag komento sa naturang insidente.
Iginiit naman ni Senate President Vicente Sotto III na napapanahon para ipasa ang kanyag isinusulong na panukalang batas na naglalayong lumikha ng United Presidential Drug Enforcement Authority.
Makatutulong anya ito para maiwasan ang ganitong misencounter.
Ayon kay Sotto, ang United Presidential Drug Enforcement Authority ay isang super body, kung saan ito ay tututok sa enforcement, prosecutiom, prevention at rehabilitation. —ulat mula kay Cely Ortega Bueno (Patrol 19)