Muling inupakan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Senado na nakatutok sa imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa COVID-19 response funds ng gobyerno.
Sa kanyang Talk to the Nation kahapon, iginiit ni Pangulong Duterte na nakapagtatakang kinukuwestyon ng senate Blue Ribbon Committee ang pagbili ng gobyerno ng medical supplies nang walang bidding gayong inaprubahan ng Senado ang bayanihan law noong 2020.
Sa ilalim ng naturang batas, exempted sa government procurement law o hindi na kailangang dumaan sa bidding process ang pagbili ng gobyerno ng mga medical supplies na ginagamit sa covid-19 response.
Sa Bayanihan 1 kayo ang nagbigay ng authority ng Executive Department even to disregard the procurement law, tapos ngayon sabi niyo you can take whatever measures for the fastest delivery of the things that we need. So iyon ang ginagawa namin tapos ngayon you are dwelling on the procurement law in asking the officials to explain of their actuations,”pahayag ng Pangulong Duterte.
Aminado naman ang Pangulo na wala na rin umano siyang pakialam kung gisahin ng mga senador ang pharmally pharmaceuticals na nag-supply ng overpriced umanong medical products.
Iyang pharmally ninyo, pati droga, bahala kayo wala akong pakialam diyan…You can crumple ang Pharmally, wala kaming pakialam diyan. Basta ‘yang pag-avail namin — ang pakialam namin nag-order kami, dumating, tama ‘yung nag-order, tapos ang presyo negotiated,” ani ng Pangulo.—sa panulat ni Drew Nacino