Naghahanda na ang Senado na magsisilbing impeachment court sa impeachment trial ni Commission on Elections o COMELEC Chairman Andres Bautista.
Ito ay kahit pa nagpahayag si Bautista ng kanyang pagbibitiw sa puwesto sa katapusan ng taon.
Ayon kay Senate President Koko Pimentel, hangga’t nasa puwesto si Bautista ay maaari itong litisin kapag pinagharap na ito ng Kamara ng articles of impeachment.
Kaugnay nito, sinabi ni Pimentel na pinag-aaralan na nila ang impeachment rules, pinahahanda na rin ang toga na kanilang susuotin sa impeachment trial bilang mga senator judges gayundin ang kanilang pagsasaayos ng kanilang schedule sa Senado.
Una rito ay tuluyan nang na-impeach ng Kamara si Bautista.
Kasunod ito ng pahayag ni Bautista na handa na siyang magbitiw sa pwesto sa Disyembre 31.
Sa botong 137-75 ay binaliktad ng plenaryo ang naunang desisyon ng House Justice Committee na nagbabasura sa impeachment complaint laban kay Bautista.
Dahil dito, inatasan ni Deputy Speaker Raneo Abu ang komite na ihanda na ang articles of impeachment na iaakyat sa Senado na tatayong impeachment court.
Si Bautista ay inireklamo ng betrayal of public trust, culpable violations of the constitution kaugnay sa hindi tamang pagdedeklara ng SALN, Comeleak at pagtanggap umano ng komisyon mula sa Divina Law Office.
Sinabi ni Majority Floor Leader Tito Sotto, kung maipapadala na sa kanila ng Kamara ang articles of impeachment ay kinakailangan na nilang aksyunan ito.
Aniya, posibleng talakayin ito ng Senado sa huling linggo ng Nobyembre o unang linggo ng Disyembre.
Naniniwala naman si Senador Chiz Escudero at Senador Panfilo Lacson na kailangan dinggin ang impeachment dahil nanatili pa rin sa puwesto si Bautista.
Iginiit naman ni Senador Kiko Pangilinan na pagsasayang lamang ng panahon at pondo ang gagawing pagdinig sa impeachment na naglalayong patalsikin sa puwesto si Bautista dahil natakda rin naman itong magbitiw sa katapusan ng Disyembre.
Photo Credit: Senator Sonny Angara / Twitter
—-