Aarangkada na sa susunod na linggo ang imbestigasyon ng Senado hinggil sa umano’y ill-gotten wealth ni COMELEC o Commission on Elections Chairman Andres Bautista.
Ang nasabing pagdinig ay pangungunahan ng Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies na pinamumunuan ni Senador Francis Escudero.
Ayon kay Escudero, kabilang sa ipatatawag nila bilang resource persons ang ilang kinatawan mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, NBI o National Bureau of Investigation, Anti-Money Laundering Council at LDB o Luzon Development Bank.
Gayunman, binigyang diin ni Escudero na nakahandang tanggapin ng komite si Bautista sakaling naisin nitong dumalo sa kanilang isasagawang imbestigasyon.
Magugunitang isiniwalat ng mismong asawa ng COMELEC Chair na si Patricia Paz na mayroon umanong 30 bank accounts ang kanyang mister sa Fort Bonifacio Branch sa LDB at limang accounts sa Makati City branch na naglalaman ng mahigit 300 milyong piso.
By Meann Tanbio | (Ulat ni Cely Bueno)