Nakatakdang makipagpulong ang mga senador sa security officials ng pamahalaan ngayong Martes, Disyembre 12.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na pagpapalawig ng isang taon ng ipinatutupad na martial law sa Mindanao.
Sa isasagawang briefing, nais marinig ng mga senador ang naging batayan ng security officials para imungkahi ang isang taong martial law extension sa Mindanao.
Bukod dito, nais ding malaman ng mga senador ang epekto sa ekonomiya ng Mindanao ng umiiral na martial law, gayundin kung may mga nangyayaring mga paglabag sa karapatang pantao.
Dahil naman sa briefing ng security officials, kanselado ang nakatakda sanang panibagong pagdinig ng Committee on Public Information and Mass Media kaugnay sa ‘fake news’.