Pag-aaralan ng Senate Committee on Public Order And Dangerous Drugs kung irerekomenda na ipasara o ipatigil na ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
Ito ang inihayag ng chairman ng komite na si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, makaraang lumitaw sa isinagawang pagdinig na karamihan ng insidente ng kidnapping ay may kaugnayan sa operasyon ng POGO batay narin sa naging datos ng Philippine National Police (PNP).
Ayon sa senador, pag uusapan ng komite ang naturang isyu kung ano ang dapat na irekomenda sa PNP na pag aralan o ipatigil ang pamimigay ng lisensya sa mga nag-apply para maging protective agent ng mga dayuhan at mga VIP sa bansa.
Una nang sinabi ni PNP Chief for Administration Police Lt. Gen. Jose Chiquito Malayo na mula sa 29 na kaso ng kidnappng 15 dito ang POGO related.
Dahil dito, inatasan ng senador ang PNP na magsagawa ng shakedown kung saan, sakaling may makitang Chinese nationals na maraming bodyguard, dapat na kapkapan ito at kung makukuhanan ng armas ay agad na kasuhan ng Illegal Possesion of Firearms.
Sinabi pa ni Bato, na may administrative liability ang Supervisory Office for Security and Investigation (SOSIA) kung hindi nila na-supervise o nabantayan ang mga binigyan ng lisensya para maging protective agent.
Samantala, ikinatuwan naman ni Dela Rosa ang pagpapatupad ng police visibility ng PNP para mapigilan ang mga krimen tulad ng kidnapping, abduction at pagpatay. —sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)