Kinalampag ng mga senador ang National Electrification Administration (NEA) kaugnay sa mga poste ng kuryenteng naiwan sa gitna ng kalsada matapos magsagawa ng mga road-widening project.
Sa pagdinig ng senado sa panukalang budget ng Department Of Energy na may hawak sa NEA, pinaaksyunan sa ahensya ang mga posteng hindi pa inililipat kahit matagal nang tapos ang road widening project ng DPWH sa ilang lugar.
Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, bukod sa maituturing na abala sa kalsada ang naturang poste delikado pa ito para sa mga motorista.
Iginiit naman ni Senadora Nancy Binay na dapat munang unahin ang paglilipat ng mga poste bago magsagawa ng road widening sa isang lugar upang hindi naman maiwang butas ang dating pinagtatayuan ng poste.
Paliwanag naman ni NEA Administrator Edgardo Masongsong, may mga electrive cooperative na nauna nang naglipat ng mga poste bago gawin ang mga road widening project.
Mayroon naman kasi aniyang kasunduan sa pagitan ng DPWH at mga electric cooperative para sa paglipat ng mga posteng tatamaan ng road widening projects ngunit may ilang lugar lang umano na talagang problema ang koordinasyon.