Umapela si House Speaker Pantaleon Alvarez sa Senado na bilisan ngayong taon ang proseso sa pag – apruba ng mga panukala na kabilang sa agenda ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Isa na dito ang Death Penalty Bill sa mga kasong may kinalaman sa iligal na droga na nauna ng naipasa sa Kamara ngunit nakabinbin pa rin sa Senado.
Pabiro namang sinabi ni Alvarez na isang mabagal na kapulungan ang Senado subalit kanyang nilinaw na hindi ang institusyon ang kanyang sinasabihan kundi ang mabagal na pag – aksyon ng mataas na kapulungan ng Kongreso sa mga pending bill.
Ito aniya ang dahilan kaya’t hindi ganoon karami ang mga panukala na naging batas kung saan sa anim na libo siyamnaraan at labing – isang (6,911) panukala, labing apat (14) lamang na national bills ang naisabatas.
Dahil dito, pinayuhan ni Alvarez si Senate President Koko Pimentel na maging aktibo upang mas maraming maipasa na mga batas.