Sinisikap na ng Senado na maipasa sa lalong madaling panahon ang Traffic Crisis Bill na naglalayong masolusyunan ang problema sa matinding trapiko sa bansa.
Kasabay ito ng pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hinihintay na lamang nila maipasa sa Senado ang naturang panukala para maisabatas ngunit mukhang hindi pa ito naisasalang sa ikalawang pagbasa.
Ayon kay Senador Grace Poe, pinuno ng Senate Committee on Public Service, nasa second reading na Traffic Crisis Bill at malapit na itong matapos sa interpellation.
Giit pa ni Poe, patuloy na nagsasagawa ng mga pagdinig ang Senado at interpellation sa panukalang emergency power para masolusyunan ang problema sa trapiko kahit na hindi pa ito nasertipikahan bilang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte.