Pawang hearsay lamang ang pag-uugnay kay Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa umano’y Davao Group na binibigyan ng payola para mabilis na makalabas ang mga container vans sa Customs sa Davao.
Ayon ito kapwa kina Senate Majority Floor Leader Vicente Sotto III at Senate Blue Ribbon Committee Chair Richard Gordon.
Walang nakikitang rason sina Sotto at Gordon para paharapin sa Senado ang Presidential Son.
Sinabi ni Sotto na hindi tamang mabanggit lamang ang pangalan ay ipapatawag na kaagad sa hearing lalo na kung hearsay lang ang basehan.
Ang dapat aniyang ipatawag ay mga sinasabing tumanggap ng payola para sa Davao Group at maging ang nagbibigay ng payola.
Inihayag naman ni Gordon na wala siyang nakitang basehan na nag uugnay sa bise alkalde sa kontrobersya sa Customs.
Itinakda muli ng komite sa August 22 ang susunod na pagdinig nito kung saan inaasahang mas magiging malinaw umano kung sino pa ang mga iba pang sangkot sa nakalusot na shipment ng shabu sa Customs mula sa China.
By Judith Larino / (Ulat ni Cely Bueno)