Pinayuhan ni Senador Chiz Escudero ang PNP o Philippine National Police na makakabuting kilalanin at tanggapin na lang sa halip na itanggi ang negatibong pananaw sa kanila ng publiko.
Ito’y makaraang lumabas ang pinakahuling survey ng Social Weather Station kung saan mayorya ng mga Pinoy ay hindi naniniwala sa sinasabi ng mga pulis na nanlaban ang mga drug suspect kaya napatay ang mga ito.
Giit ni Escudero na sa halip na ikatwiran pa nina PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na galing lang sa mga kritiko ang negatibong impresyon sa PNP, ay mabuting kumilos ang pamunuan ng pulisya para mabago ang pananaw sa kanila dahil aniya matalino ang publiko at batid nito ang mga nangyayari sa komunidad.