Hindi bale nang maikli pa lang ang karanasan sa pamumuno sa gobyerno basta’t ang importante ay tapat naman sa panunungkulan.
Ito ang buwelta ni Senador Grace Poe sa naging babala ni Vice President Jejomar Binay kung ibibigay ang pamumuno sa bansa sa walang sapat na karanasan sa pamamahala.
Kinontra rin ni Senador Francis Escudero ang babalang ito ni VP Binay.
Iginiit ni Escudero na ang importante ay katapatan at sinseridad ng isang mamumuno sa bansa.
Kaugnay nito, inihayag din ni Senadora Grace Poe na komportable siyang maka-tandem si Senador francis Escudero sa 2016 Presidential election dahil sa tagal ng kanilang pinagsamahan.
Agad namang nilinaw ni Poe na hindi lang naman pagiging komportable ang pagbabasehan sa pagpapasya sa pagsabak sa 2016 Presidential election.
Sa panig naman ni Escudero, sinabi nito na nakakataba ng puso at nagpapasalamat siya sa mga nagtitiwala sa kanila ni Poe subalit sa panahon anya na naka-recess ang sesyon ang tamang panahon para pag-usapan ang issue ng halalan.
Dual Citizenship
Samantala, bagamat inamin ni Senadora Grace Poe na naging dual citizen siya noong manirahan sa Amerika, pero iginiit nito na binitiwan niya ang pagiging US Citizen bago niya tinanggap noon ang pamumuno sa MTRCB.
Ayon kay Poe, hindi siya maglalakas ng loob ng tumanggap ng posisyon sa gobyerno at hindi siya tatakbo sa pagka-senador kung hindi siya kwalipikado.
Maaari anyang busisiin ng mga kumukwestyon sa kanyang citizenship ang mga dokumentong kanyang naisumite kaugnay ng pagsuko niya ng kanyang US Citizenship.
Ipinabatid ni Poe na minsan na rin itong ginamit na isyu laban sa kanyang ama na si Da King Fernando Poe Jr. nang tumakbo ito sa pampanguluhang halalan noong 2004.
By Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)