Huwag linlanging ang publiko.
Ito ang iginigiit ni Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng resulta ng presidential survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan nanguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Trillanes, hindi naman kasi ito ang opisyal na survey ng SWS kundi kinomisyon ng kampo ni Duterte para masabing umangat ang public rating nito.
“Kung titignan niyo yung tanong nung survey, isinubo yung pangalan ni Mayor Duterte doon sa unahang parte ng tanong so kumbaga pumasok na sa top of mind ng mga respondents, so yun po kaya naka-impluwensiya.” Ani Trillanes.
Naniniwala din si Trillanes na kung ngayon gagawin ang survey ay tiyak na maapektuhan ang ratings ni Duterte dahil sa pagmura nito kay Pope Francis.
“Kanila itong press release na ito, kanila itong propaganda na ito kaya wag kayong magpapalinlang, na hindi yan ang totoo na hindi yan yung buong picture ika nga, at tatandaan natin yung survey na yan, ginawa nila bago pa nagkaroon ng speech si Mayor Duterte kung saan pinagmumura niya lahat ng maisip niya, alam po nating may epekto yun pero bakit pa nila nilabas yan? Kaya nila nilabas yan ay para ipakitang talagang umaarangkada na itong tandem nila, eh hindi naman po totoo yun.” Pahayag ni Trillanes.
By Ralph Obina | Ratsada Balita