Naghain ng dagdag na komento sa Makati RTC Branch 148 si Senador Antonio Trillanes para sa kanyang kasong kudeta.
Patungkol ito sa petisyon ng Department of Justice (DOJ) na ipaaresto si Trillanes at magpalabas ng hold departure order dahil nawalang bisa ang amnestiya na iginawa ng nakaraang administrasyon sa senador.
Hiwalay ito sa kasong rebelyon ni Trillanes sa Makati RTC Branch 150 na naglabas na ng warrant of arrest laban sa senador subalit nagpiyansa ito ng dalawandaang libong piso (P200,000).
Sa kanyang dagdag na komento, sinabi ni Trillanes na nabigo ang prosecution na patunayang may basehan ang pagpapawalang bisa sa kanyang amnestiya.
Iginiit ng senador na tumalima sya sa lahat ng requirements at hawak niya ang kanyang certificate of amnesty.
Binigyang diin rin sa komento ni Trillanes na labag sa konstitusyon ang proklamasyon ng Pangulong Rodrigo Duterte na nagpapawalang bisa sa kanyang amnestiya .
Si Trillanes ay nahaharap sa kasong kudeta sa Makati RTC Branch 148 at walang rekomendadong piyansa para rito.
DOJ
Inihahanda na ng DOJ ang kanilang kasagutan sa dagdag na komento ni Senador Antonio Trillanes sa Makati RTC Branch.
Ayon kay Acting Prosecutor General Richard Fadullon, sasagutin nila ang pahayag ni Trillanes na, ang Department of Justice ang dapat na magpatunay sa korte na hindi sya nakapagsumite ng application para sa anyang amnestiya.
Hanggang Lunes ang ibinigay ng Makati RTC Branch 148 sa prosecution para maghain ng kanilang kasagutan.
Kapag sumagot ang prosecution, aandar na ang tatlumpung araw ni Judge Andres Soriano para desisyonan kung ipaaaresto si Trillanes o hindi.
—-