Nakabalik na sa bansa si Senadora Leila de Lima makaraan ang naging biyahe nito sa Amerika at Germany.
Dakong alas-10:48 kagabi nang lumapag ang Qatar Airways flight kung saan lulan si De Lima sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Gayunman, hindi nagpakita ang senadora sa mga mamamahayag na nag-aabang sa kanya sa paliparan sa halip, ang kanyang media affairs office ang nagkumpirma sa pag-uwi nito sa bansa.
Magugunitang umani ng batikos ang ginawang pagpayag ng Department of Justice kay De Lima sa kabila ng mga reklamong inihain laban sa kanya dahil sa pagkakasangkot nito sa operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Case to be filed today
Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal ng Department of Justice (DOJ) sa korte ngayong araw si Senadora Leila de Lima.
Ito’y makaraang irekomenda ng DOJ Panel of Prosecutors na kasuhan si De Lima dahil sa paglabag nito sa Article 150 ng revised penal code o obstruction of justice.
Natanggap mismo ng DWIZ Patrol ang kopya ng nasabing dokumento na pirmado ni acting Prosecutor General Atty. George Catalan.
Ang nasbaing kaso ay may kaugnayan sa isinampang reklamo ng House Committee on Justice makaraang pigilan ni De Lima ang kanyang dating driver-bodyguard na si Ronnie Dayan na humarap sa pagdinig ng Kamara.
By Jaymark Dagala | Photo By: Raoul Esperas (Patrol 45) | Bert Mozo (Patrol 3)