Tinawag na public enemy number one ni Solicitor General Jose Calida si Senadora Leila de Lima dahil sa pagkakasangkot nito sa malawak na operasyon ng iligal na droga sa bansa.
Inihayag ito ni Calida sa paglulunsad ng Coalition Against Illegal Drugs kahapon kung saan, nagsama-sama ang iba’t ibang sektor upang isulong ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng iligal na operasyon kabilang na si De Lima.
Kabilang sa mga lumahok sa nasabing koalisyon ay ang blogger at kilalang Duterte supporter na si Mocha Uson, VACC Founding Chairman Dante Jimenez at Atty. Larry Gadon ng Citizen’s Crime Watch.
Kasalukuyang nahaharap si De Lima sa patumpatong na reklamo sa Department of Justice dahil sa pagkakasangkot nito sa illegal drugs trade sa New Bilibid Prisons.
Giit ni Calida, kaniyang gagamitin ang kaniyang kapangyarihan bilang Solicitor General upang kumatawan sa taumbayan laban sa mga nagnanais pabagsakin ang administrasyon.
De Lima answers
Tinawag namang kabaliwan ni Senadora Leila de Lima ang binuong Coalition Against Illegal Drugs na kinabibilangan nila Solicitor General Jose Calida, VACC Founding Chair Dante Jimenez at iba pa.
Sa kaniyang twitter post, tumangging sagutin ni De Lima ang bansag sa kaniya ni Calida bilang public enemy number 1 na aniya’y isang paraan lamang ng mga kampon ng kasamaan para linisin ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Buwelta naman ni VACC Founding Chair Dante Jimenez, dapat sagutin at matapang na harapin ni De Lima ang mga reklamong isinampa laban sa kaniya.
By Jaymark Dagala