Hinamon ni Senador Grace Poe ang board ng Social Security System o SSS na magbigay ng kongkretong alternatibo.
Ito’y matapos na i-veto ng Pangulong Noynoy Aquino ang SSS pension hike bill.
Naniniwala si Poe na mayroong sapat na pondo ang SSS para dagdagan ang buwanang pensyon ng mga retiradong miyembro nito.
Ayon sa senadora, nais niyang malaman kung ano ang katanggap-tanggap na karagdagang pensyon kung sinasabing hindi angkop o sobrang mataas ang P2,000 increase sa SSS pension.
Bongbong Marcos
Isang malungkot na araw para sa mga pensioners ang pag-veto ng Pangulong Noynoy Aquino sa SSS pension hike bill.
Sinabi naman ni Senador Bongbong Marcos na sa halip na maging sensitibo ang Pangulo, at tinignan ang tunay na kondisyon ng mga SSS pensioners ay iba ang mas pinahalagaan nito.
Ipinaalala ng senador na ang pamamahala sa gobyerno ay pagkalinga sa taumbayan.
Karamihan aniya sa mga pensioners ay may karamdaman na at umaasa na lamang buwanang pensyon para sa gamot at pang-araw-araw na pangangailangan kaya’t ang P2,000 dagdag sanang pensyon ay malaking tulong sa kanila.
Sa kabila nito, umaasa si Marcos na may ibang pinaplanong paraan ang gobyerno para mapahusay ang kalagayan ng mga SSS pensioners.
By Meann Tanbio | Cely Bueno (Patrol 19)