Dinagsa naman ang mga senakulo o pagsasadula ng buhay ni Hesukristo sa iba’t ibang lugar sa bansa nitong biyernes santo, Marso 30.
Tinatayang nasa 2,000 ang nagsipanood ng Buhing Kalbaryo play sa Cebu City na ginawa sa San Nicolas Parish Church.
Tinatayang libu-libo rin ang sumaksi sa taunang Moriones Festival sa Mogpog, Marinduque kung saan isinadula rin ang ginawang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Hesukristo batay sa naging kuwento ng martir na sundalong si Longhino.
Pitong deboto kabilang ang isang babae naman ang ipinako sa krus sa taunang senakulo sa Barangay San Pedro Cutud sa lungsod ng San Fernando na nasa lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa 39 anyos na si Maryjane Sazon, pitong taon na siyang namamanata at nagpapapako sa krus makaraang mapagaling siya mula sa matinding sakit ng ulo at pagkakaroon ng nervous breakdown.
Gayunman, naging tampulan naman ng pansin at kritisismo mula sa mga netizens ang kumalat na mga larawan ng mga turistang nagpakuha kung saan makikitang nakasampa pa ang mga ito sa krus na pinagpakuan sa mga deboto.