Tiwala si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na maipapasa ngayong 19th congress ang mga panukala para sa pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines at Center for disease control and prevention.
Ang mga panukalang ito ay magsasaayos sa healthcare system ng bansa at maglalatag ng kahandaan sa mga hinaharap na krisis sa kalusugan.
Ayon kay Estrada, inaasahan na niya ang agarang pagtalakay sa plenaryo ng senado ng senate bill no. 679, o ang panukalang philippine center for disease control and prevention act, at Senate Bill No. 281, o ang panukalang Virology Institute of the Philippines Act.
Mismong si Senate President Migz Zubiri ang nagtiyak na may suporta na sa kanilang kapwa senador ang dalawang panukala.
Ang SB 281, na kabilang sa listahan ng priority bills ni Estrada, ay naglalayong maglatag ng legal na balangkas para sa pagtatatag ng isang ahensya ng gobyerno na makapagbibigay ng mga siyentipikong batayan sa paggamot ng mga nakahahawang sakit.
Samantala, ang iminungkahing pagtatag ng Philippine CDC sa ilalim ng SB 679 ay naglalayon naman na tukuyin ang mga gawain sa pagitan ng mga kasalukuyang ahensya at I-maximize ang kasalukuyang mga mandato ng mga ito. - sa ulat ni Cely Ortega- Bueno